Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang ₱2.5 billion na pondo para sa Free Public Internet Access Program (FPIAP).
Kasabay nito ang Notice of Cash Allocation na nagkakahalaga ng ₱356.2 million para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa unang quarter ng 2024.
Ayon sa DBM, ilalaan ang ₱2.4 billion para sa free internet Wi-Fi Connectivity sa mga pampublikong lugar habang ang ₱50 million ay para sa internet connectivity ng State Universities and Colleges (SUCs).
Sa ilalim din ng FPIAP, itatatag ang Information Communication Technology Facilities (ICT) tulad ng high-capacity networks, middle mile, at last mile ICT infrastructures, gayundin ang towers, data centers, assets, at iba pang service buildings.
Ibababa ang pondo sa Office of the Secretary ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sinabi ni Secretary Amenah Pangandaman na mahalaga ang internet sa makabagong panahon na nagkokonekta sa publiko at nakatutulong sa pagsulong ng edukasyon, ekonomiya, health care, public safety, at sa mga serbisyo ng gobyerno.