
Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbebenta ng ₱20.00 na kilo ng bigas sa mga pamilyang benipisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP).
Ikinasa ang pilot testing ng programa sa Morsac Basketball Court, Barangay 69 sa Tondo, Manila kung saan bawat benipisyaryo ay makakabili ng hanggang 30 kilo ng bigas mula sa mga accredited retailers at Kadiwa ng Pangulo.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, malaking tulong ito upang kahit papaano ay makabili ng masustansya at sapat na pagkain ang mga benipisyaryo para sa kanilang pamilya.
Aniya, nasa 900 ang retailer ng Walang Gutom Program kaya’t hinay-hinay muna sa pagbebenta ng murang bigas para matiyak na maayos ang sistema bago ito ilulunsad para mapakinabangan ng nasa 300,000 pamilyang benepisaryo.
Kung magiging maayos ang programa, sinabi ni Gatchalian na mapapakinabangan rin ito ng iba pa pamilyang Pilipino.
Nabatid na target ng DSWD na maitaas sa 750,000 ang bilang ng pamilyang kapos sa pagkain ang benepisaryo ng Walang Gutom Program pagsapit ng 2026 kung saan katuwang nila ang Department of Agriculture (DA) sa pagsasagawa ng pilot testing ng pagbebenta ng murang bigas.









