₱20 KILO NG BIGAS, INILUNSAD SA MALASIQUI; ILANG BENEPISYARYO, UMASA SA MAS MAAYOS NA PROSESO NG DISTRIBUSYON

Dinagsa ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang paglulunsad ng ₱20 kada kilong bigas sa Malasiqui, kahapon.

Ayon sa Municipal Agriculture Office, 1,250 benepisyaryo ang target na mabigyan ng tig-10 kilo ng bigas sa ilalim ng programa na unang ipinamahagi sa mga senior citizen, solo parent, PWD, at miyembro ng 4Ps.

Samantala, hindi naiwasan ang mahabang pila, mabagal na proseso, at mga tanong mula sa ilang residente.

Paliwanag ng tanggapan, dumadaan pa sa masusing beripikasyon at panayam ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang mga benepisyaryo upang matiyak na kwalipikado ang mga tatanggap.

Gayunman, aminado ang lokal na pamahalaan na naging mabagal ang proseso at humingi ito ng paumanhin sa mga naantala.

Ilang residente rin ang nagpahayag ng pagnanais na mapalawak ang saklaw ng programa upang makabili rin ang iba pang mamamayan na hindi kabilang sa vulnerable sector.

Posibleng magsagawa ng dayalogo ang mga tanggapan sa lokal na pamahalaan para sa mga programa na naglalayong gawing mas abot-kaya ang bigas para sa mga residente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments