
Umapela si Senator Bam Aquino sa Department of Agriculture (DA) na gamitin ang P200 billion ayuda fund sa ilalim ng 2026 national budget upang masuportahan ang fuel subsidy ng nasa humigit kumulang anim na milyong mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, tinukoy ni Aquino na naglaan ang Senado ng P200 billion na pangayuda sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA) at maaaring gamitin ito ng ahensya para sa kinakailangang tulong ng mga magsasaka at mangingisda.
Nababahala si Aquino na kung hindi kikilos ngayon ay tiyak ang domino effect sa mga magsasaka, mangingisda, mamimili at sa ekonomiya.
Ayon naman kay Agriculture Usec. Asis Perez, para sa harvest season ng taong ito, mangangailangan ng P37 billion na subsidiya sa mga magsasaka at mga mangingisda para sa mga buwan ng Mayo, Hunyo at Hulyo.
Sa ngayon ay may P7 billion mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang hinihintay na pondo para pantulong sa 2.6 million rice farmers na nagsasaka ng 2 hectares pababa at 14,000 fisherfolks.
Naunang sinabi ng DA na ngayong Abril ay sisimulan na ang pamamahagi ng P5,000 fuel subsidy sa mga magsasaka habang P3,000 naman sa mga mangingisda.










