Mahigit ₱24.7 milyon ang ipinamahagi ng Philippine Crop Insurance Corporation Regional Office I (PCIC RO I) bilang indemnity payments sa 2,511 magsasakang benepisyaryo mula sa 32 bayan sa Pangasinan at mga karatig-lungsod sa La Union, partikular sa Rosario at Sto. Tomas, noong Enero 20, 2025.
Ang kabuuang halagang ₱24,774,104.57 ay inilaan bilang kabayaran sa mga pinsalang natamo ng mga magsasaka sa palay, mais, high-value crops, at livestock na dulot ng pagbaha sanhi ng mga nagdaang bagyo, gayundin ng mga pesteng sumira sa pananim at sakit sa mga alagang hayop.
Isinagawa ang pamamahagi sa tanggapan ng PCIC Regional Office I sa Urdaneta City sa pamamagitan ng isang maayos at nakaiskedyul na check-releasing system. Layunin nitong matiyak ang maayos, episyente, at malinaw na proseso ng pamamahagi, kasabay ng maayos na crowd management at agarang pagtugon sa mga katanungan ng mga benepisyaryo hinggil sa kanilang insurance claims.
Ayon kay PCIC RO I Regional Manager Raul A. Servito, ang agarang pagpapalabas ng indemnity ay malaking tulong upang makabangon at makapagpatuloy sa pagsasaka ang mga magsasakang naapektuhan ng kalamidad. Binigyang-diin niya na ang mga programa ng PCIC ay nagsisilbing mahalagang proteksyon at sandigan ng mga magsasaka laban sa mga panganib sa agrikultura, lalo na sa panahon ng sakuna.
Sa pamamagitan ng patuloy na serbisyong ito, pinagtitibay ng PCIC ang pangako nitong suportahan ang sektor ng agrikultura at tiyaking hindi nag-iisa ang mga magsasaka sa pagharap sa mga hamon ng kanilang kabuhayan.








