Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang health emergency allowance ng mga COVID-19 healthcare workers at non-healthcare workers para sa taong 2023.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, aabot sa ₱30.1 billion ang inilabas na pondo bilang kabayaran sa mga nagtrabahong healthcare workers at non-healthcare workers nitong nakalipas na taon.
Nabatid na pumalo sa ₱88.14 billion ang inilaan ng pamahalaan bilang COVID-19 health emergency allowance kung saan ₱24.19 billion ang naibigay na noong 2022 habang ₱18.96 billion nitong January 1, 2024.
Bunsod nito, aabot na lang sa ₱14.88 billion ang utang ng pamahalaan sa mga healthcare workers na nagtrabaho noong kasagsagan ng pandemya.
Kasabay nito, tiniyak ni Pangandaman na aasikasuhin ng pamahalaan sa lalong madaling panahon ang pagpapalabas ng natitirang balanse.
Aabot pa sa dalawang milyong healthcare workers sa bansa ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang emergency allowance na nagkakahalaga ng ₱3,000 hanggang ₱9,000 kada buwan simula ng ideklara ang State of Public Health Emergency sa bansa dahil sa COVID-19.
July 2023 nang inalis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang State of Public Health Emergency sa bansa.