₱340K HALAGA NG SHABU, NASAMSAM SA CONSTRUCTION WORKER SA URDANETA

Nasamsam ng Police Regional Office 1 ang tinatayang ₱340,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang construction worker sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bayaoas, Urdaneta City, Pangasinan.

Arestado ang 32 anyos na residente ng lungsod na kinilalang high-value individual (HVI).

Nakumpiska mula sa suspek ang siyam na paketeng naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang shabu, na may tinatayang bigat na 50 gramo, pati na rin ang iba pang ebidensya.

Dinala ang suspek sa Urdaneta City District Hospital para sa medico-legal examination bago inihatid sa Provincial Forensic Unit sa Lingayen, Pangasinan, kasama ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa drug testing at laboratory examination.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Urdaneta City Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.

Facebook Comments