Inihayag ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Anne Sevilla na ibibigay na sa susunod na buwan ang cash allowance ng mga guro sa buong bansa.
Aniya, ang nasabing halaga ay ginagamit noon bilang chalk allowance, pero ngayon ito ay gagamitin upang matugunan ang mga gastusin kaugnay sa pagsasagawa ng remote enrollment na magsisimula sa June 1.
Paliwanag ni Sevilla, sa remote enrollment ay kailangan ng guro na tawagan ang mga naka-assign na estudyante sa kanya.
Maaari ring i-text o gumamit ng internet upang maisakatuparan ang physical distancing habang isinasagawa ang enrollment process para sa School Year 2020-2021.
Layon din nito na hindi na pagastusin pa ang mga guro pambili ng load o pambayad ng internet connection.
Sinabi rin ni Sevilla na ang nasabing halaga ay gagamitin para sa Learning Continuity Plan ng isang guro, kung saan nakapaloob dito ang makabagong paraan ng pagtuturo na bahagi ng ‘new normal’ sa sistema ng edukasyon sa bansa dahil na rin sa banta ng COVID-19.
Kahapon, muling iginiit ng DepEd na tuloy pa rin ang enrollment simula June 1 hanggang August 29 para sa susunod na school academic year.