Winasak ng mga awtoridad ang tinatayang ₱4.2 milyon halaga ng marijuana matapos matuklasan ang tatlong plantasyon sa Brgy. Licungan, Sugpon, Ilocos Sur noong Marso 20-21, 2026.
Ayon sa ulat, pinangunahan ng pinagsanib na pwersa mula sa iba’t ibang yunit ng pulisya at PDEA Region 1 ang operasyon laban sa ilegal na droga na isinagawa sa bisa ng pre-operation authority.
Sa unang araw ng operasyon, nadiskubre ang isang plantasyon na may lawak na 600 metro kuwadrado kung saan tinatayang 3,000 halaman ng marijuana ang nabunot, na nagkakahalaga ng ₱600,000.
Nagpatuloy ang operasyon kinabukasan kung saan natuklasan pa ang dalawang mas malalaking plantasyon na may lawak na tig-1,500 metro kuwadrado.
Umabot sa kabuuang 17,500 piraso ng ganap nang tumubong marijuana plants ang nasamsam mula sa mga lugar na ito.
Agad na isinagawa ng mga awtoridad ang imbentaryo at dokumentasyon ng mga nakuhang ebidensya bago tuluyang sinunog ang mga halaman sa mismong lugar.
Kumuha rin ng mga sample ang awtoridad para sa karagdagang pagsusuri sa laboratoryo.
Patuloy naman ang pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga, lalo na sa mga liblib at bulubunduking lugar, upang masiguro ang kaligtasan at kapayapaan sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








