₱4.5-B na intel fund ng Office of the President, bubusisiin ni Sen. Lacson

Hihingi ng paliwanag si Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ukol sa ₱4.5 billion na confidential and intelligence fund ng Office of the President para sa taong 2021.

Ayon kay Lacson, napakalaking halaga ng nasabing intel fund para sa Office of the President na tumatanggap din ng bilyon-bilyong pisong remittances kada taon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation.

Sa pagtalakay ng Senado sa pambansang budget ay nais malaman ni Lacson kung paano ginagastos ng Office of the President ang napakalaking confidential at intel fund lalo pa’t hindi ito dumadaan sa liquidation.


Binanggit ni Lacson na bukod dito ay kontrolado rin ng Pangulo ang pagpapalabas ng intel fund para sa ibang ahensya tulad ng Department of National Defense (DND), Philippine National Police (PNP), National Security Agency (NSA), Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Samantala, kaugnay pa rin sa budget ay pagpapaliwanagin din ni Lacson ang mga ahensyang natukoy na hindi naglabas ng ₱30 billion na pondong nakalaan na pantugon sa COVID-19 pandemic.

Kinabibilangan ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Office of the Civil Defense (OCD) at iba pang ahensya.

Hakbang ito ni Lacson makaraang lumabas sa budget hearing ng Senado na sa ₱389 billion na pondo para sa COVID response ay ₱359 billion pa lang ang nagastos.

Facebook Comments