₱4.8-M na halaga ng ukay-ukay, sinira ng BOC

Aabot sa ₱4.8 million na halaga ng mga smuggled na “ukay-ukay” ang winasak ng Bureau of Customs (BOC) na nakumpiska sa Port of Davao nitong unang quarter ng taong 2021.

Ang pagsira sa mga nasabat na smuggled na produkto ay salig na rin sa Republic Act (RA) No. 4653 na layong tiyakin ang kalusugan ng publiko at panatilihin ang dignidad ng bansa sa pamamagitan ng pagdeklara ng national policy na nagbabawal sa commercial importation ng textile articles tulad ng mga “used clothing” o ukay-ukay.

Bahagi rin ng pagsira ng BOC sa mga ukay-ukay ang kampanya na siguruhing hindi makakarating sa mga lokal na pamilihan ang mga iligal na kontrabando.


Bukod sa mga nasabing ukay-ukay, nasabat din ng Collection District 12 ng BOC-Port of Davao ngayong unang quarter ng taon ang mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱5.716 milyon; ₱447,614 halaga ng mga gamot at cosmetics; ₱547,788 halaga ng mga electronics; at ₱77,568 halaga ng general merchandise.

Ayon kay BOC-Davao District Collector Atty. Erastus Sandino Austria, delikado para sa kalusugan kapag umabot sa pamilihan at sa mga consumers ang mga kontrabado.

Facebook Comments