Aabot sa ₱40-B ang halaga ng mga bakunang maaaring masayang kung hindi sasamantalahin ng publiko ang pagpapabakuna.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion na malaking halaga dito ay iniutang pa ng bansa sa iba’t ibang bangko para lamang maipambili ng mga bakuna.
Sa datos ng Department of Finance, umaabot na sa ₱1.31 Trillion ang foreign debt ng bansa dahil sa COVID-19 response.
Panawagan ni Concepcion sa publiko na ‘wag sayangin ang mga bakuna dahil pagsapit ng Hunyo o Hulyo ay mapapaso na ang mga ito.
Aniya, ang mga bakuna rin ang siyang dahilan kung bakit tayo nakakagalaw ng mas maluwag sa ngayon kahit na nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.
Kapag bumaba na ani Concepcion ang immunity ng katawan mula sa virus at huli na bago pa magdesisyon na magpaturok ng booster shot ay sayang lamang ang effort ng pamahalaan sa pagbili ng mga bakuna.
Sa ngayon nasa 80-M doses ng mga bakuna ang nasa bansa kaya panawagan nito sa publiko magpabakuna na upang tuloy tuloy ang pagganda ng datos at pagsiglang muli ng ekonomiya.