₱40-B na pondo sa proposed 2026 national budget, welcome sa AFP

Malugod na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ₱40 bilyon na nakalaang pondo para sa panukalang 2026 national budget para sa kanilang revised modernization program.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang naturang pondo ay hindi lamang basta numero sa papel kundi patunay ng determinasyon ng bansa na ipagtanggol ang soberanya sa gitna ng tumitinding tensyon, partikular na sa West Philippine Sea.

Dagdag pa ni Padilla, malaking tulong ang pondong ito para sa mas mabilis na pagpapatupad ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept na magpapalakas sa kakayahan ng AFP sa lupa, dagat, himpapawid at cyberspace.

Sinabi pa ni Padilla na sisiguraduhin ng Sandatahang Lakas na ang bawat piso sa pondo ay kanilang gugugulin nang may transparency at malinaw na layunin upang mapanatiling handa ang ating pwersa sa pagbabantay sa karagatan, pagtatanggol ng teritoryo at pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan.

Sa kabuuan, aabot sa ₱430.87 bilyon ang pondo para sa defense sector sa 2026 national budget kung saan 13.72% na mas mataas kumpara sa ₱378.89 bilyon na inilaan noong 2025, kabilang dito ang ₱40 bilyong nakalaan para sa AFP modernization program.

Facebook Comments