Sa pagdinig ng pinamumunuang Committee on Women and Family Relations ay ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros na umaabot na sa 30 hanggang 40 billion pesos ang kinita ng mga taga-Bureau of Immigration (BI) mula sa “pastillas” scam at iba pang mga raket tulad ng visa-upon-arrival scheme.
Ang computation ni Hontiveros ay base sa testimonya ng dalawang Immigration officers na sina Alexander Chiong at Jeffrey Dale Ignacio at batay rin sa arrival data record na nagsasabing halos apat na milyong mga Chinese nationals ang pumasok sa bansa simula 2017.
Sa hearing ay sinabi naman ni NBI Special Action Unit Chief Emeterio Dongallo Jr. na iniimbestigahan na rin nila ang pagkakaroon ng umano’y koneksyon sa Ombudsman ng itinuturong mastermind ng “pastillas” scheme na si dating Immigration Deputy Commissioner Marc Red Mariñas.
Muli namang itinanggi ni Mariñas ang akusasyon sa kanya pero aminadong totoo na may katiwalian sa Immigration Bureau na hindi naman kasing lala tulad ng isiniwalat ng mga tumestigo laban sa kanya.
Ayon kay Mariñas, noong siya ang Head ng Ports Operations Division ay marami siyang tauhan na natukso at tumanggap ng bayad kapalit ng pagbibigay ng escort service o VIP service para madali ang pagpasok ng mga dayuhan sa paliparan.
Paliwanag ni Mariñas, nangyari ito nang itigil ang pagbibigay ng overtime pay sa mga empleyado ng Immigration kaya bumaba sa ₱19,000 ang kanilang sweldo kada buwan mula sa dating ₱60,000.
Sabi ni Mariñas, ito ay ipinaalam niya sa Immigration Chief dahil wala siyang kapangyarihan na magsuspinde o magsibak at ang tanging nagawa lang niya ay mag-resign.