Nakumpiska ng mga tauhan ng Bohol Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit 40 milyong pisong halaga ng shabu sa magkahiwalay na drug buy-bust operation sa Bohol.
Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, isinagawa ang unang operasyon sa Sitio Antipolo, Barangay Dampas, Tagbilaran City kung saan nakuha ang mahigit dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱13.7-milyon.
Naaresto naman ang apat na drug suspek na sina Lelit Dajao Sinugbo Jan, 44-anyos; Chellomae Pescura Curayag, 33-anyos; Junalyn Abelgas Matura, 32-anyos; at Humprey Millana Cenabre, 34 anyos.
Habang sa buy-bust operation sa Talibon, Bohol, nasabat din ng mga otoridad ang apat na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱27-milyon.
Naaresto naman ang isang drug suspek na kinilalang si Jamie Dajao, 44-anyos.
Tiniyak naman ni PNP Chief General Archie Francisco Gamboa na hindi tumitigil ang anti-drug operation ng PNP kahit patuloy ang kanilang pagtulong sa pamahalaan na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.