₱422K HALAGA NG SHABU, NASAMSAM SA MAGKAHIWALAY NG OPERASYON SA CALASIAO

Umaabot sa mahigit ₱422,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng pulisya sa dalawang magkahiwalay na anti-illegal drugs operation na ikinasa sa bayan ng Calasiao, Pangasinan mula gabi ng Enero 28 hanggang madaling araw ng Enero 29, 2026.

Sa unang operasyon, isang 35 anyos na lalaking residente ng San Carlos City ang naaresto sa isang buy-bust operation na ikinasa sa naturang bayan.

Nakumpiska mula sa suspek ang 35.03 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱238,204, na nakapaloob sa tatlong plastic sachet.

Nasamsam din sa nasabing operasyon ang ginamit na buy-bust at boodle money.

Samantala, sa ikalawang operasyon, dalawang lalaki, 49 at 25 anyos, pawang mga street-level individual na residente ng Calasiao ang naaresto sa hiwalay na buy-bust operation.

Nakumpiska mula sa mga ito ang 27.04 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱183,872, na nakapaloob sa dalawang pakete.

Ang lahat ng ebidensyang nakuha sa dalawang operasyon ay inimbentaryo at minarkahan sa presensya ng mga mandatory witness at ng mga suspek, bilang pagsunod sa umiiral na legal na proseso.

Ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa batas laban sa ilegal na droga. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments