₱45-B wage subsidy sa mga middle class workers, hiniling ng Kamara kay PRRD

Hiniling ni Ways and Means Chairman Joey Salceda kay Pangulong Duterte ang pagbuo ng wage subsidy program bilang ayuda sa mga kabilang sa middle class.

Ayon kay Salceda, sumulat siya sa Pangulo upang irekomenda ang pondong ₱45 billion na wage subsidy sa ilalim ng Payroll Support for Workers, Entrepreneurs, and Self-employed (PSWES) Program.

Partikular na makikinabang dito ang 5.98 million na mga empleyado at manggagawa mula sa small and medium enterprises, gayundin ang mga sole entrepreneurs at mga kabilang sa “gig economy” o iyong mga freelancers, flexible, temporary at self-employed workers na kabilang sa middle class.


Paliwanag ni Salceda, apektado rin ang negosyo at trabaho ng mga nasa middle class dahil sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa nakalipas na buwan.

Mahalaga, aniyang, matiyak na tuluy-tuloy ang operasyon ng mga enterprises dahil sa malaking ambag nito sa ating ekonomiya at job preservation.

Iminumungkahi ni Salceda ang wage subsidy sa mga middle class na 1/4 o 1/3 ng kanilang buwanang sahod na ibibigay sa loob ng dalawang buwan.

Ipapamahagi ang ayuda na ito sa mga formal workers sa pamamagitan ng Social Security System (SSS) katuwang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Samantala, sa mga freelancers o mga kabilang sa gig economy, inirekomenda ng mambabatas ang open-application window katulad sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) ng DOLE.

Facebook Comments