₱5.7-T net sa private sector at $10-B na foreign investment sa bansa, inaasahang maipapasok sa ekonomiya kapag naisabatas na ang CREATE

Kumpyansa si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na sa 2021 ay lalakas ang stock market, foreign investment at mga negosyo sa bansa sa nalalapit na pagsasabatas ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE).

Ayon kay Salceda, tataas sa ₱5.7 trillion sa susunod na 10 taon o 38% ng market capitalization ang actual net ng private sector capital dahil sa CREATE.

Ito aniya ang magandang pagkakataon para mamuhunan sa mga resilient companies at inaasahan ang pagtaas ng kita sa susunod na taon at maaari pang mahigitan ng revenue growth ang GDP growth.


Tiwala rin ang kongresista na magiging daan ang CREATE para maiangat ang bansa bilang “investment destination” ng mga dayuhang negosyante.

Sa tantya ni Salceda, kapag naisabatas ang CREATE ay magpapasok ito sa bansa ng $7 hanggang $10 billion US dollars na dagdag na foreign investment sa susunod na taon.

Sa 2021 lamang ay inaasahang magpapasok ito ng ₱39 billion na halaga ng business expansion at lilikha ng 1 milyong trabaho sa susunod na dalawa o tatlong taon.

Sa oras na malagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang CREATE ay babawasan ng 10% ang corporate income tax ng mga kompanya na may net taxable income na hanggang ₱5 million at 5% tax reduction para naman sa lahat ng iba pang kompanya.

Facebook Comments