₱5 MILYONG TULONG, IPINAGKALOOB NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG PANGASINAN SA MGA LGU NA APEKTADO NG KALAMIDAD

Naglaan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ng ₱5 milyong tulong pinansyal sa ilalim ng programang Tulong Kapatid para sa limang lokal na pamahalaan at lalawigan na matinding naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.

Ayon kay Vice Governor Mark Ronald Lambino, inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang limang resolusyon para sa pamimigay ng tig-₱1 milyong tulong sa bawat LGU: Bogo City sa Cebu, na tinamaan ng magnitude 6.9 na lindol; at ang mga lalawigan ng Cagayan, Batanes, Masbate, at Calayan Island na sinalanta ng Super Typhoon Nando at Tropical Storm Opong.

Ang pondo ay mula sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Fund ng probinsya at hindi kinuha mula sa general fund.

Paliwanag ni Lambino, boluntaryo ang pagbibigay ng tulong at nakabatay sa kakayahan ng Pangasinan na makapagpaabot ng suporta sa mga apektadong LGU.

Binigyang-diin din niya na nakatanggap din noon ng kaparehong tulong ang Pangasinan mula sa ibang lalawigan, partikular matapos ang pinsalang dulot ng habagat ilang taon na ang nakalipas.

Samantala, patuloy pang tinutukoy ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang iba pang LGU na posibleng mabigyan din ng tulong depende sa natitirang pondo at kakayahan ng probinsya.

Facebook Comments