Inaprubahan ng Kongreso ang P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026, na nakatuon sa pagpapabuti ng edukasyon, kalusugan, at agrikultura.
Kabilang sa mga prayoridad ng badyet, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, ang malaking pagtaas ng pondo para sa Department of Education, mga state universities, at sektor ng kalusugan, pati na rin ang suporta sa mga programang tulad ng School-Based Feeding Program at Zero-Balance Billing sa mga ospital.
Pinagtibay din ng bicameral panel ang mga hakbang para sa transparency at accountability, kabilang ang online na publikasyon ng mga budget documents, livestreaming ng deliberasyon, at aktibong pakikilahok ng civil society.
Samantala, pinababa ang badyet ng Department of Public Works and Highways upang bawasan ang hindi epektibong gastusin, at inilaan ang unprogrammed allocations para sa mga emergency at standby projects.
Umaasa naman ang mga kababayang Pangasinense na ang naaprubahang badyet ay makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya at sa pagpapalakas ng mga programang makapag-aangat sa sektor ng agrikultura, na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan sa lalawigan.






