Nagsanib-puwersa ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa ikinasang search warrant operation na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang ₱6.8 bilyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang warehouse sa Barangay Laois, Labrador, Pangasinan nitong gabi ng Biyernes, Oktubre 3, 2025.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, nakumpiska sa loob ng warehouse ang nasa 905 na plastic tea bags na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Bawat isa sa mga pakete ay may timbang na tinatayang isang kilo.
Sa kabuuan, aabot sa higit 900 kilo ng ipinagbabawal na droga ang natuklasan sa lugar.
Ayon sa paunang pagtaya ng mga imbestigador, ang nakumpiskang kontrabando ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱6.8 bilyon, na itinuturing na isa sa pinakamalaking drug haul na naitala sa lalawigan.
Wala namang naaresto sa isinagawang operasyon.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon upang matukoy ang mga indibidwal o grupong responsable sa bodega ng iligal na droga.
Kasunod nito, nagsasagawa na rin ng follow-up operations ang mga awtoridad upang masundan ang posibleng iba pang mga sangkot at ang pinagmumulan ng nasabat na kontrabando.
Matatandaan naman noong Huwebes, nakulimbat din ng awtoridad ang aabot sa halos isang bilyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang chinese at filipino national sa bayan naman ng Bugallon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









