₱70.4M HALAGA NG ILEGAL NA DROGA, NASAMSAM SA ISANG BUWANG OPERASYON SA REHIYON UNO

Umabot sa mahigit ₱70.4 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa isinagawang serye ng anti-illegal drug operations sa Ilocos Region sa loob lamang ng buwan ng Disyembre.

Batay sa datos ng Police Regional Office 1, kabuuang 127 operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 126 indibidwal na sangkot sa ilegal na droga.

Sa mga operasyon, nakumpiska ang humigit-kumulang 796 gramo ng shabu, 525 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 323,350 piraso ng marijuana plants, at 8,000 piraso ng marijuana seedlings.

Bahagi rin ng pinaigting na kampanya ang matagumpay na pagbuwag sa 57 plantasyon ng marijuana sa mga bulubunduking barangay ng Danac at Licungan sa bayan ng Sugpon, Ilocos Sur.

Sa naturang operasyon, winasak ang tinatayang 283,400 fully grown marijuana plants at 8,000 seedlings na may kabuuang halagang aabot sa ₱57 milyon batay sa standard drug price.

Ayon sa pamunuan ng PRO 1, patuloy na paiigtingin ang mga operasyon laban sa ilegal na droga, katuwang ang iba’t ibang ahensya at ang komunidad, upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa buong rehiyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments