₱750 across-the-board and nationwide salary increase, isinulong sa Kamara

Inihain ngayong araw ng Makabayang bloc ang House Bill number 7568 na nagsusulong ng ₱750 na pangkalahatang pagtaas sa arawang sahod ng mga manggagawa.

Saklaw nito ang mga empleyado sa pribadong sektor sa buong bansa kasama ang mga manggawa sa agricultural at non-agricultural enterprises.

May-akda ng panukala sina Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Kabataan Party-list Rep Raoul Manuel.


Nakasaad sa panukala na ito ang tugon para matapalan ang malaking puwang sa pagitan ng cost of living at kasalukuyang minimum wage na nagkalahalaga ng ₱570 sa Metro Manila na mas mababa pa sa ibang rehiyon.

Binigyang-diin sa panukala na ang wage increase ang solusyon sa kawalan ng magagawa ng gobyerno para mapigil o makontrol ang inflation o patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Dagdag pa rito ang tumaas na buwanang kontribusyon sa Social Security System (SSS) at Pag-IBIG habang nakabinbin pa ang increase sa monthly contribution para sa PhilHealth.

Bunsod nito ay hiniling din ng Makabayan bloc kay Pangulong Bongbong Marcos na sertipikahang urgent ang kanilang panukalang wage increase na kung tutuusin anila ay dapat noon pa ipinatupad.

Facebook Comments