Aabot sa ₱923-M sa susunod na taon ang maaring makolekta ng gobyerno kapag naisabatas ang panukala ukol sa pagpapataw ng buwis sa plastic bags na tinatawag na plastic labo at sando bag.
Sinabi ito ni Director Lawrence Quiniones ng Domestic Finance Group ng Department Of Finance (DOF), sa pagdinig ng Senate ways and means committee na pinamunuan ni Senator Pia Cayetano.
Itinatakda ng panukala na nagmula sa kamara na patawan ng 20 piso ang bawat kilo ng imported at locally produced na plastic bags.
Suportado ng DOF ang panukala dahil magbibigay ng dagdag na kita sa gobyerno at makakabawas sa paggamit ng plastic bag na nakakasira sa kalikasan.
Subalit ayon kay Quiñones, magiging mahirap ang pagpapataw ng buwis sa imported plastic bags lalo na sa panig ng Bureau of Customs na siyang tutukoy o magbi-berepika sa timbang nito.
Sa pagdinig ay nagpahayag din ng suporta sa panukala si Atty. Gretchen Mondragon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) pero aminadong magiging magastos din ang pagmo-monitor sa pagkolekta ng buwis mula sa pagawaan ng mga plastic.