
Cauayan City — Iniulat ngayong araw ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang South African, isang Pakistani, at dalawang Chinese national sa magkakahiwalay na operasyon ng kanilang Intelligence Division.
Noong Pebrero 12, nadakip sa Camp Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ang South African na si Faaiz Ameer Garnie dahil sa umano’y paglabag sa kondisyon ng kanyang 9G working visa.
Ayon sa BI, natuklasang nagtatrabaho si Garnie sa ibang kumpanya na hindi saklaw ng kanyang permit.
Sa parehong operasyon, nahuli rin ang Pakistani na si Imran Khattak na umano’y nagtatrabaho sa bansa nang walang valid working visa.
Samantala, noong Pebrero 13, inaresto naman sa Iloilo ang dalawang Chinese national na sina Wang Jiabai at Wang Libi.
Batay sa ulat ng BI, nag-overstay na si Wang Jiabai at namamahala pa umano ng isang negosyo sa kabila ng kawalan ng tamang dokumento.
Si Wang Libi naman ay pinaghihinalaang nagtatrabaho sa ibang employer at nabigong makapagpakita ng valid passport at iba pang immigration documents nang inspeksyunin ng mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng BI ang apat na dayuhan habang isinasailalim sa deportation proceedings dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










