CAUAYAN CITY – Sa kabila ng ibinibidang epektibong vaccine para sa mga baboy upang hindi umano tamaan ng African Swine Fever, mas tumataas pa ngayon ang kaso ng outbreak sa bansang Vietnam.
Matatandaan na isang taon na ang nakakalipas ng maglabas ng vaccine ang Vietnam na garantisado umanong epektibo at makakapagligtas sa mga baboy laban sa ASF ngunit kabaliktaran ngayon ang nangyayari dahil mas lumobo pa ang bilang ng mga tinamaan nito.
Sa datos na inilabas ng Vietnam Government, ngayong taon pa lamang ay pumalo na sa 42,400 ang bilang ng mga baboy na pinatay matapos magpositibo sa ASF.
Limang beses na mas mataas ang bilang na ito kumpara sa datos noong nakaraang taon sa parehong panahon.
Nakapagtala na rin ang Vietnam ng 660 outbreaks ngayong taon, mas mataas muli kaysa sa 208 outbreaks noong 2023.
Magugunita na una nang sinabi ng Department of Agriculture ng Pilipinas na ang gagamiting bakuna sa mga baboy ay mangagaling sa Vietnam.
Pero sinabi din ng DA na kaagad itong ititigil sa oras na makakita ng anumang aberya.