
Cauayan City- Nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan na nagresulta sa kanyang pagkasawi ang isang 17 taong gulang lalaki, matapos na masangkot sa isang hit-and-run accident gabi noong ika-10 ng Marso sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Minante 2, Cauayan City.
Kinilala ang biktima na si Valiente Cortez, 17 taong gulang, at residente ng Purok 4 ng nasabing Barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng single motorcycle ng biktima ang hilagang direksyon patungong City Proper ng Lungsod.
Nang makarating sa pinangyaharihan ng insidente ay biglang bumangga ang mabilis na sasakyan sa likurang bahagi ng motorsiklo ng biktima.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Valiente matapos itong makaladkad kasama ng kanyang motorsiklo.
Agad naman siyang isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng rescue 922 sa Cauayan District Hospital para sa agarang lunas subalit kalaunan ay binawian din ito ng buhay.
Samantala, sa nakuhang impormasyon ng iFM News Team sa Cauayan City Police Station patuloy na gumugulong ang kanilang imbestigasyon matapos na tumakas ng suspek sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, isang puting van umano ang nakabangga sa biktima, subalit hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng driver nito kaya naman nananawagan ang kapulisan sa kung sino man ang makakapagbigay ng impormasyon na makipagtulungan sa kanila upang mapanagot ito sa aksidenteng kinasangkutan.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










