
Cauayan City – Nakapagpiyansa na si Cagayan Vice Governor Manuel Mamba kaugnay sa kasong graft na isinampa laban sa kanya ng kampo ng pamilya Lara noong Marso 30.
Ang reklamo ay inihain ni Jaja Lara na may kaugnayan sa umano’y hindi pagbabayad sa kontrata ng JLL Construction.
Nauna rito, nagpalabas ng warrant of arrest ang korte sa Batac, Ilocos Norte sa ilalim ni Judge Felix Salvador, at itinakda ang piyansa sa halagang ₱30,000.
Agad namang nakapaglagak ng piyansa si Mamba upang pansamantalang makalaya habang dinidinig ang kaso.
Ayon sa reklamo, nag-ugat ang isyu sa road concreting project ng JLL Construction sa lalawigan ng Cagayan noong unang termino ni Mamba bilang gobernador.
Lumabas sa pagsusuri na umano’y may kakulangan sa kalidad ang proyekto, kaya’t ipinatupad noon ang polisiya na personal na kukunin ng contractor ang kanilang bayad upang maipaliwanag ang mga reklamo.
Dahil hindi umano ito nasunod, paulit-ulit na napaso ang tseke ng kumpanya, na naging dahilan ng pagsasampa ng kaso.
Samantala, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang JLL Construction ay iniuugnay sa pamilya ni Joseph “Jojo” Lara, na nadadawit din sa usapin ng tinatawag na flood control scam.










