Tuesday, January 20, 2026

𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬 𝗔𝗚𝗥𝗜𝗖𝗨𝗟𝗧𝗨𝗥𝗘 𝗢𝗙𝗙𝗜𝗖𝗘, 𝗡𝗔𝗚𝗕𝗜𝗚𝗔𝗬 𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚 𝗦𝗔 “𝟱𝟬 𝗣𝗘𝗦𝗢𝗦 𝗙𝗔𝗥𝗘” 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗟𝗜𝗕𝗥𝗘𝗡𝗚 𝗙𝗘𝗥𝗧𝗜𝗟𝗜𝗭𝗘𝗥

Cauayan City – Nagbigay ng pahayag ang opisina ng Cauayan City Agriculture Office kaugnay sa issue ng umano’y paniningil ng barangay officials sa Brgy. San Francisco ng 50 pesos na pamasahe sa ibinibigay na libreng fertilizer sa mga magsasaka.

Sa panayam ng IFM News Team kay Ricardo Alonzo, City Agriculturist sa lungsod ng Cauayan, sinabi nito na nakarating sa kanilang tanggapan ang reklamo hinggil sa umano’y paniningil ng barangay officials ng San Francisco ng P50 na pamasahe sa mga magsasakang makakatanggap ng libreng fertilizer.

Binigyang linaw nito na walang bayad ang pagkuha ng fertilizer sa City Agriculture Office. Aniya, madalas na ang mga sinisingil umano ng mga opisyal sa mga magsasaka ay bayad sa gasulina at sa mga naghahakot ng fertilizer.

Ayon kay Alonzo, hindi naman nila ipinagbabawal ang paniningil ng kontribusyon ng mga barangay officials lalo pa’t mas makakatipid ang mga benipesyaryong magsasaka sa ganitong paraan kung ikukumpara sa magagastos nilang pamasahe kapag sila mismo ang kumuha ng fertilizer sa kanilang opisina.

Gayunpaman, sinabi nito na dapat ay pag-usapan muna ito ng malinaw kasama ang mga magsasaka at gawin itong boluntaryo, hindi mandatory.

Dagdag pa ni Alonzo, nakausap na umano niya ang kapitan ng Brgy. San Francisco at paliwanag nga nito na ang P50 na kanilang siningil sa mga nakatanggap ng fertilizer ay ginamit sa nasirang truck na pinanghakot dito.

Payo naman ni Alonzo sa mga magsasaka na hindi sang-ayon sa pagbabayad ng kontribusyon, mas mabuting sila na mismo ang kumuha ng fertilizer sa tanggapan ng City Agriculture Office.

Sinabi rin ni Alonzo na sa ganitong klase ng reklamo, mas mainam rin kung idudulog mismo sa kanilang tanggapan upang agad nilang maaksyunan.

————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments