
Cauayan City – Ipinamahagi ng lokal na pamahalaan ng Cauayan, sa pangunguna ni Mayor Caesar “JC” Dy, ang unang batch ng 15 desktop computers sa Department of Education–Cauayan.
Tinanggap ang mga kagamitan ni Schools Division Superintendent Dr. Cherry S. Ramos kasama ang iba pang opisyal ng Schools Division Office.
Ang nasabing mga computer units ay nakatakdang ipamahagi sa mga piling paaralan sa lungsod upang makatulong sa pagpapalakas ng digital learning ng mga mag-aaral. Layunin din nitong masuportahan ang pangangailangan ng mga guro sa makabagong paraan ng pagtuturo.
Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ito ng patuloy na programa upang mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng teknolohiya. Inaasahan na makatutulong ang mga kagamitan sa mas epektibong paghahatid ng kaalaman sa loob ng silid-aralan.
Samantala, hinimok ni Mayor Dy ang mga opisyal ng paaralan na agad ihanda ang mga dokumento para sa donasyon o titulong legal ng mga school lots. Ito ay upang mapabilis ang proseso ng pagpapaunlad ng mga pasilidad ng paaralan.
Binigyang-diin ng alkalde na ang maayos na papeles ng mga lupain ay mahalaga upang maisulong ang mga proyekto sa edukasyon, na magreresulta sa mas maayos at episyenteng serbisyong pang-edukasyon para sa mga kabataan sa Cauayan.
Source: Cauayan City Local Government










