𝗖𝗢𝗡𝗦𝗧𝗥𝗨𝗖𝗧𝗜𝗢𝗡 𝗪𝗢𝗥𝗞𝗘𝗥, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗦𝗨𝗠𝗔𝗟𝗣𝗢𝗞 𝗦𝗔 𝗧𝗥𝗔𝗜𝗟𝗘𝗥 𝗧𝗥𝗨𝗖𝗞

Cauayan City – Hindi na nakaligtas pa sa kamatayan ang isang construction worker matapos masangkot sa aksidente sa lansangan kahapon, ika-14 ng Agosto, sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, ang biktima ay si Reymar Gaspar, 35 anyos, residente ng Brgy. Del Pilar, Alicia, Isabela, habang ang tsuper ng trailer truck na nakabangga rito ay kinilala namang si Rodolfo Culangan, 34 anyos, residente naman ng Reina Mercedes, Isabela.

Sa inisyal na pagsisiyasat, parehong binabaybay ng trailer truck na minamaneho ni Culangan at motorsiklo na minamaneho naman ni Gaspar ang daan patungo sa direksyon ng Alicia, Isabela, kung saan nasa bandang unahan ang trailer truck.


Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, lumiko patungo sa kabilang linya ang truck at pumihit ulit pakanan, ngunit hindi inaasahang nabangga nito ang motorsiklong minamaneho ni Gaspar na noon ay nasa outer lane.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng malalang pinsala sa kanyang ulo ang biktima na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Nakatakdang maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide si Culangan na ngayon ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station.

Facebook Comments