
Cauayan City — Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Ilagan Component City Police Station (CCPS) sa Brgy. Baculud kahapon, ika-11 ng Abril.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Pastor,” 38-anyos, tricycle driver, at alyas “Paking,” 37-anyos, construction worker, kapwa residente ng Ilagan City.
Ayon sa ulat, nahuli ang mga suspek matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa poseur buyer kapalit ng P1,000.
Nakumpiska sa kanila ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na siyang buy-bust item, isang tunay na P1,000 na ginamit bilang buy-bust money, at isang cellphone.
Maayos na naimbentaryo ang mga ebidensya sa presensya ng mga saksi alinsunod sa umiiral na batas. Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Iginiit ng pulisya na magpapatuloy ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.










