Sa ginanap na inquiry hearing ng Committee on Transportation ng mababang kapulungan nitong huwebes tinalakay ang mga insidente sa katatapos na 2024 boss Ironman motorcycle challenge Luzon leg. Dito pinag-usapan ang mga aksidente na kinasangkutan ng mga kalahok sa nasabing motorcycle endurance event.
Kabilang dito ang mga aksidente na nangyari sa Dagupan City, San Juan La Union, at Isabela noong February 26, 2024, kung saan may mga nasaktan at nasawing mga inosenteng indibiwal. Isa-isang tinanong ng mga kongresista ang pinatawag na mga resource speakers mula sa Boss Ironman, Motorcycle Organizations, Government Agencies na namamahala sa Transportation Sector, Department of Tourism, PNP, LGUs, at maging mga kaanak ng mga biktima ukol sa usaping ito.
Pinunto ng ilang mambabatas at resource speakers na isang life threatening ang nasabing motorcycle endurance event dahil sa bilis ng mga kalahok, paggamit ng national roads bilang racetrack, at kawalan ng masusing koordinasyon.
Sa pahayag ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, inihayag nito ang pagkadismaya at mariing pagtutol sa nasabing motorcycle endurance event. Sa katunayan, inihayag nito sa nasabing pagpupulong ang planong hilingin sa Sangguniang Panglungsod na magpasa ng ordinansa na magbabawal sa mga ganitong event na itinuturing na life threatening. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨