Zero case o walang naitatala hanggang sa kasalukuyan na kaso ng heat-related illnesses sa lungsod ng Dagupan sa kabila ng nararanasang pinakamataas na heat index sa lungsod sa buong bansa nitong nagdaang mga araw.
Matatandaan na araw-araw na napapabilang ang lungsod ng Dagupan sa mga bahagi sa bansa na nakapagtala ng matataas na heat index, maging halos nangunguna sa pagkakaroon ng highest heat index, base sa inilalabas na forecast ng PAGASA.
Pangkalahatang nakararanas ang lalawigan ng Pangasinan sa ilalim ng “danger” category o kinabibilangan ng 42 hanggang 51 degree Celsius na init na nararamdaman ng katawan, habang naglalaro naman sa pagitan ng 43 hanggang 45 degree Celsius ang kadalasang naitatalang HI sa lalawigan.
Samantala, patuloy na nakaantabay ang lokal na pamahalaan ng Dagupan sa posibleng pagkakaroon ng anumang kaso ng heat-related illnesses, maging ng Pangasinan Provincial Health Office sa pagmomonitor ng mga isyu at kaalamang may kaugnayan dito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨