Nagbawas na ng produksyon ang ilang tinapa maker sa Brgy. Talibaew bayan ng Calasiao dito sa lalawigan ng Pangasinan dahil umano sa nararanasang kaunting suplay ng galunggong.
Sinabi ng ilang gumagawa ng tinapa sa nasabing bayan na dahil sa kaunti lamang ang suplay ng galunggong sa kanilang pinag-aangkatan sa Lungsod ng Urdaneta ay binawasan na ang kanilang mga ginagawang tinapa na dati ay nasa 600 kilos ang ginagawa ngunit ngayon ay nasa 400 kilos na galunggong na lang ang ginagamit.
Dahil din dito ay apektado na raw umano ang kanilang hanapbuhay.
Paliwanag naman ng fishery expert na hindi panahon ng galunggong kung kaya’t may nararanasang mahinang suplay ng isdang ito.
Tiniyak naman ng eksperto na babalik ang maraming suplay ng isdang galunggong sa fishing season sa buwan ng Marso.
Samantala, ang presyuhan ngayon ng tinapa sa mga pamilihan dito sa Pangasinan ay nasa ₱55-₱60, lima hanggang anim na piraso ng galunggong depende sa laki.
Habang nasa ₱200-₱230 naman ang presyo ng sariwang galunggong sa probinsya.
Sa Magsaysay Fish Market naman dito sa Dagupan City ay kapansing-pansing kaunti lang din ang mga nagbebenta ng galunggong dahil sa nararanasang malamig na panahon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨