Nararanasan ngayon sa ilang sakahan sa bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan ang pagkabansot ng mga pananim na mais dahil sa kakulangan ng irigasyon o patubig sa kanilang mga sakahan.
Sa naging panayam ng IFM News Dagupan kay Rolly Balansay, magsasaka ng mais at palay mula Brgy. Payas sa nasabing bayan, magtatatlong buwan na ngunit tila maliliit pa rin ang kanilang mga pananim na mais na sana raw ay singtangkad na ng tao o lampas tao na ang taas ngunit dahil aniya sa kawalan ng tubig sa irigasyon at sa mahal ng krudo na ginagamit sa patubig na ay nababansot na ang kanilang tanim.
Aniya pa na dahil sa mahal ng krudo na gagamitin sa ilang araw na patubig ay dalawang beses lang sa isang buwan sila kung makapagpatubig dahil para makatipid, dumagdag pa anila ang gastusin sa fertilizer at pang-spray para iwas naman sa peste.
Bukod sa mga problemang ito na kinakaharap ng mga kasama nitong magsasaka, ay dumagdag pa sa kanilang problema ang epekto ng El Nino sa kanilang pananim na kung saan matapos anilang patubigan ang mga sakahan ay ilang araw ay tuyot na tuyot na ang lupa na dahilan din ng pagkaantala ng paglaki ng mga ito.
Kaya’t panawagan nito sa mga kinauukulan na sana raw ay mabigyan sila ng tulong para hindi masayang ang kanilang mga pananim at sakripisyo dahil para rin naman ito sa publiko.
Matatandaan na base sa assessment ng PAGASA na ang lalawigan ng Pangasinan ay nasa drought condition o panahon ng tagtuyot. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨