𝗗𝗔𝗟𝗔𝗚𝗔, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬; 𝗧𝗔𝗧𝗟𝗢 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗠𝗔𝗦𝗔𝗡𝗚𝗞𝗢𝗧 𝗦𝗔 𝗔𝗞𝗦𝗜𝗗𝗘𝗡𝗧𝗘

Cauayan City – Bigong makaligtas sa kamatayan ang isang dalaga matapos masangkot ang sinasakyan nitong motorsiklo sa aksidente kahapon, ika-15 ng Hulyo, sa Brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, nakasakay ang biktimang kinilala sa pangalang Mitch Aquino, 21 anyos, at residente ng Mallig, Isabela, kasama ang isa pang menor-de-edad na back rider ng Suzuki Raider na minamaneho ni Serapin Laureta.

Habang ang driver naman ng motorisklong bumangga sa kanila ay minamaneho ni Lucky Baddong, 26 anyos, at tubong Ilagan City, Isabela.


Lumalabas sa pagsisiyasat ng kapulisan na binabaybay ng dalawang behikulo ang parehong direksyon, at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, dahil sa bilis ng pagpapatakbo ay nabangga ni Baddong ang motor na nasa unahan nito na siyang lulan ang mga biktima.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon sa kalsada ang biktimang si Mitch at nagtamo ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.

Samantala, nagtamo naman ng minor injuries ang tatlong katao kabilang na ang dalawang driver at ang isa pang back rider.

Facebook Comments