Naiturn-over na ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 ang National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan sa Pamahalaang Panlungsod ng Alaminos bilang katuwang nito sa hangarin na unahing mabigyan ng tulong ang mga kabilang sa mahihirap na sambahayan na nakapaloob sa Listahanan.
Sa pahayag ni Mayor Bryan Celeste, ngayon ay alam na ng lokal na pamahalaan ang mga residente na kinakailangang tulungan at upang malaman ang mga barangay na pinakamaraming mahihirap sa siyudad. Ang susunod na gagawin na lamang ay ang pagsasagawa nito gamit ang datos na mula sa DSWD.
Sa National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan, nagsagawa ng assessment ang DSWD sa Alaminos City. Mula sa 17,233 na sambahayan sa lungsod, mayroong 4,058 na mahihirap na sambahayan o katumbas ng 23,551 na mahihirap na indibidwal.
Sa pamamagitan ng Listahanan maaaring mapagkuhanan ng baseline data ang impormasyong nilalaman nito upang magamit sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ang Alaminos City ang ika-apat na lokal na pamahalaan sa Region 1 na nakatanggap ng datos mula sa Listahanan na proyekto ng DSWD. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨