
Cauayan City — Tututukan ngayon ng Provincial Government of Isabela ang pagpapalakas at pagpapalawak ng direktang pagbili ng palay ng pamahalaan sa mga magsasaka sa lalawigan ng Isabela.
Pinangunahan nina Governor Rodito Albano at Vice Governor Faustino “Kiko” Dy III, kasama ang mga alkalde at mga municipal at city agriculturist sa kapitolyo ng Lalawigan ng Isabela ang talakayan ng programang ito.
Hinikayat ni Gov. Albano ang lahat ng lokal na pamahalaan sa lalawigan na ganap na ipatupad ang Executive Order No. 101, na nag-aatas sa mga ahensya ng pamahalaan na direktang bumili ng mga produktong agrikultura at pangisdaan mula sa maliliit na magsasaka at mga accredited cooperative at samahan ng mga magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Governor Albano, matagal nang isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang ganitong programa bilang suporta sa sektor ng agrikultura.
Simula noong June 2023, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ay bumibili na ng palay sa mas mataas na presyo, na naging dahilan upang itaas din ng mga pribadong trader ang kanilang buying price at maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka.
Nagsilbi rin ang pamahalaang panlalawigan bilang procuring entity sa ilalim ng I-RISE Program, kung saan nabebenta ng mga kooperatiba at samahang pang-agrikultura ang kanilang mga ani, na siyang ipinamamahagi naman sa mga sektor na higit na nangangailangan.
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










