
Cauayan City – Pinangunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) Region 2 sa pangunguna ni Regional Director Rogelio T. Benitez, ang isinagawang operasyon laban sa isang sangay ng Visa to America Manila Incorporated.
Kasama ang mga tauhan mula sa Migrant Workers Protection Bureau at lokal na pulisya ng Santiago City, isinagawa ang pagsalakay matapos matukoy na sangkot ang kumpanya sa ilegal na pag-aalok ng trabaho sa mga guro patungong amerika.
Ang nasabing kumpanya ay napatunayang humihingi ng hindi awtorisadong bayarin kapalit ng pekeng “Visa services” at peke ring mga job interviews na ikinalinlang ng maraming aplikante.
Bilang bahagi ng isang sabayang operasyon sa buong bansa, isinara rin ng DMW ang walong iba pang sangay ng Visa to America sa iba’t ibang lugar.
Ayon sa DMW, ito na ang ika-27 operasyon ng pagpapasara ngayong taon bilang bahagi ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa mga illegal recruiter na patuloy na nananamantala sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa.
Ang mga opisyal ng naturang kumpanya ay haharap sa kasong kriminal at ipagbabawal na rin sa anumang overseas placement activity sa hinaharap.
Hinimok ng migrant workers protection bureau ang lahat ng naging biktima ng Visa to America na makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng kanilang opisyal na Facebook page upang mabigyan ng libreng legal na tulong.
Patuloy ang paninindigan ng DMW Region 2 na tiyakin ang ligtas at legal na pamamaraan ng pagmi-migrate ng mga pilipino sa ibang bansa.
————————-
Para sa iba pang mga balita, bisitahin din ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan









