
Cauayan City – Naglabas ng paalala ang Department of Health (DOH) hinggil sa mga sintomas ng tuberculosis o TB, at hinikayat ang publiko na agad magpatingin kung makararanas ng alinman sa mga ito nang lampas dalawang linggo.
Ayon sa DOH, maaaring senyales ng TB ang patuloy na pag-ubo na hindi nawawala, lagnat na hindi maipaliwanag, madaling pagkapagod kahit hindi mabigat ang gawain, at pagpapawis sa gabi kahit hindi mainit ang panahon.
Ipinaliwanag ng ahensya na kung mararanasan ang kahit isa sa mga nabanggit na sintomas, mahalagang agad itong ipaalam sa isang healthcare worker upang masuri at mabigyan ng tamang lunas. Ang TB ay isang nakahahawang sakit ngunit nagagamot kung maaagapan.
Bahagi ito ng kampanya ng DOH na “Pa-check ka lungs!” na naglalayong palakasin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kahalagahan ng maagang pagpapasuri para sa kalusugan ng baga.
Pinapayuhan ang publiko na huwag balewalain ang mga sintomas at magtungo sa pinakamalapit na health center upang makaiwas sa komplikasyon at pagkalat ng sakit.
Photo: DOH










