
CAUAYAN CITY – Palalawakin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang programa sa pangunguna ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kung saan layong ipaalam sa publiko na hindi lamang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ang kanilang serbisyo.
Ayon kay Secretary Gatchalian, layunin ng caravan na ipakilala ang iba’t ibang programang makakatulong sa mga pilipino upang makaahon sa kahirapan.
Binigyang-diin niya na mas marami pang serbisyong iaalok ang DSWD bukod sa agarang tulong pinansyal.
Sinabi rin ng kalihim na alinsunod sa Direktiba ni President Bongbong Marcos Jr., patuloy ang pamahalaan sa layuning sugpuin ang kagutuman, kung saan nasa 750,000 pamilya na ang nakikinabang sa Food Stamp Vouchers.
Pinuri naman ni Isabela Governor Rodito T. Albano II ang mabilis na pagtugon ng DSWD sa pangangailangan ng lalawigan, kabilang ang planong agarang pagpapalabas ng pondo para sa mga magsasaka ng mais na naapektuhan ng tagtuyot.
Ipinahayag din ni Mila Albano-Mamauag ang buong suporta sa mga programa ng ahensya, na aniya’y nakakatulong sa iba’t ibang sektor mula sanggol hanggang matatanda.
Samantala, patuloy ang pamamahagi ng Fuel Assistance sa ilalim ng AICS para sa mga driver ng pampublikong sasakyan, kung saan makakatanggap ng one-time Cash Aid na ₱5,000 ang mga kwalipikadong benepisyaryo, na uunahin munang ipatupad sa Metro Manila bago palawakin sa iba pang bahagi ng bansa.










