
Cauayan City – Ipinakilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 02 ang Philippine Community Resilience Project (PCRP) sa lalawigan ng Isabela bilang bahagi ng pagpapalakas ng disaster preparedness.
Isinagawa ang orientation sa Isabela Provincial Capitol na pinangunahan ni DSWD Regional Director Lucia Suyu-Alan, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.
Saklaw ng Philippine Community Resilience Project ang anim na bayan na kinabibilangan ng Maconacon, Divilacan, Palanan, Dinapigue, Santa Maria, at San Pablo.
Gamit ang community-driven development approach, binibigyang kapangyarihan ng proyekto ang mga komunidad na tukuyin ang kanilang prayoridad na pangangailangan at aktibong makilahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga sub-project.
Tiniyak din ng PCRP ang partisipasyon ng mga sektor na madalas na napag-iiwanan at binibigyan ng mahalagang papel ang mga barangay sa pamamahala at pagpapanatili ng mga proyekto.
Inaasahang makatutulong ang pagpapatupad ng PCRP sa Isabela sa pagpapalakas ng disaster risk reduction efforts at sa mas aktibong partisipasyon ng mga komunidad.
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










