Cauayan City – Pabata nang pabata ang edad ng mga indibidwal na tinatamaan ng sakit na leptospirosis.
Ito ang naging obserbasyon ng Cagayan Valley Medical Center matapos makapagtala ng ilang kaso ng sakit dulot ng ihi ng mga hayop partikular ng mga daga.
Ayon kay Dr. Cesar Matthew Madria mula sa Department of Family and Community Medicine ng CVMC, simula noong buwan ng Enero ngayon taon ay 57 pasyente na ang na-admit sa ospital dahil sa nabanggit na sakit, kung saan karamihan sa mga ito ay mga magsasaka na mula sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.
Samantala, 11 taong gulang naman ang naiulat na pinakabatang tinamaan ng sakit kaya naman mahigpit na pinapaalalahanan ang publiko na maging alerto sa posibleng impeksyon na maaring dulot ng sakit.
Ilan lamang sa mga sintomas ng naturang sakit ay ang mataas na lagnat, panginginig ng katawan, pamumula o paninilaw ng mata, pananakit ng binti, at pamamantal sa balat.
Binigyang linaw rin na hindi lamang sa tubig baha posibleng makuha ang sakit kundi maaari rin itong makuha sa basang bukirin lalo na ngayong muling nararanasan ang maulan na panahon.