CAUAYAN CITY – Mahigit 3,469 pamilya na ang inilikas simula noong Miyerkules sa Rehiyon II dahil sa pananalasa ng Bagyong Marce.
Ayon kay Cagayan Valley Regional Director ng Department of Social Welfare and Development na si Lucia Alan, ang mga apektadong pamilya ay nagmula sa mga delikadong bahagi ng Batanes, Cagayan, at Isabela.
Dagdag pa niya, binabantayan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mga evacuees sakali mang mangailangan ng agarang tulong.
Ayon sa DSWD Region 2, nasa Php532,460.00 ang halaga ng food at non-food items ang naipamahagi sa mga apektadong residente.
Dagdag pa rito, may nakaimbak na 84,000 family food packs na nagkakahalaga ng P58 million, at mga non-food items tulad ng hygiene kits at mga tent na may kabuuang halaga na P78 milyon.
Nakaimbak naman ang mga food packs sa mga warehouse ng DSWD sa Abulug, Camalaniugan, Tuguegarao, Ilagan, at Santiago City para ipamigay at magsilbing karagdagang tulong sa mga lokal na pamahalaan
Samantala, humihiling na ang mga bayan ng Aparri, Pamplona, at Camalaniugan ng karagdagang food packs mula sa DSWD para sa mga lumikas na mga residente.