Itinuturing bilang malaking banta sa demokrasya ang kumalat kamakailan lamang na deep fake ‘pulvorinic video’ umano ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Ang nasabing video ay lumabas sa social media noong araw ng Lunes kung saan makikita rito ang isang lalaki na bumabatak ng iligal na droga.
Ang nasa likod umano ng video ay may layuning ituro bilang si Pang. Marcos ang nakuhanan.
Ayon naman sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation, batay sa forensics, hindi umano si PBBM ang nasa pulvorinic video.
Napag-alaman naman na nagmula ang nasabing footage sa Duterte-linked group Maisug na nakabase sa Los Angeles.
Sinabi ng Department of National Defense, ito ay isang pagtatangka ng grupo na ma-destabilize ang administrasyong Marcos.
Malakas din umano ang loob ng grupo na irelease ang video sa ibang bansa kung saan hindi sila masasakop ng batas sa Pilipinas, gayunman, sinabi ng DND na ang naturang grupo, ay hindi magtatagumpay sa kanilang ginagawang paninira.