𝗙𝗜𝗡𝗔𝗟 𝗦𝗖𝗥𝗘𝗘𝗡𝗜𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗦𝗘𝗔𝗦𝗢𝗡𝗔𝗟 𝗙𝗔𝗥𝗠 𝗪𝗢𝗥𝗞𝗘𝗥𝗦 𝗣𝗥𝗢𝗚𝗥𝗔𝗠 𝗦𝗔 𝗦𝗢𝗨𝗧𝗛 𝗞𝗢𝗥𝗘𝗔, 𝗜𝗦𝗜𝗡𝗔𝗚𝗔𝗪𝗔

Cauayan City – Muling nagtipon ang 210 magsasaka mula sa lalawigan ng Isabela na dating na-deploy sa Jinan, South Korea noong nakaraang taon sa Capitol Amphitheater para sa huling screening ng Seasonal Farm Workers Program ng South Korea, matapos makumpleto ang kanilang limang buwang kontrata noong 2025.

Ang nasabing screening ay isinagawa ng mga opisyal mula sa Jinan County, South Korea, at binubuo ng personal na panayam at physical agility assessment upang matukoy ang kahandaan ng mga magsasaka para sa muling deployment ngayong taon.

Pinangunahan ang delegasyon ng Jinan County ni Jeon Hyun-min, pangulo ng Jinan-gun Farmer Employers’ Association.

Kabilang rin sa delegasyon sina Kim Sun-hee, pinuno ng Department of Agricultural Policy and Human Resource Support Team ng Jinan-gun, at Jang Hyun-beom, kawani ng Rural Workforce Support Center ng Jinan-gun.

Samantala, nasa 550 Isabela farmers na na-prequalify ng Office of the Provincial Agriculturist ang sumailalim naman sa hiwalay na final screening noong January 10 at 11 bilang paghahanda sa kanilang deployment sa mga susunod na buwan sa ilalim ng parehong programa.

Sa isinagawang briefing, iginiit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela (PGI) ang mahigpit na pagsunod sa mga patakaran ng programa.

Binigyang-diin na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng TNT o anumang undocumented na aktibidad habang sumasailalim sa internship at pagsasanay sa South Korea.

Samantala, ang resulta ng final screening na isinagawa ng mga opisyal ng South Korea ay ipapadala sa Jinan County para sa employer matching.

Source and Photo Courtesy: Isabela Pio

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments