Nangangamba ang ilang fish growers sa Western Pangasinan sa banta ng fish kill na malimit maranasan ngayong matindi ang init ng panahon at biglang bubuhos ang ulan. Solusyon ng ilan sa mga ito ang forced harvest, kahit nakatakda pa ng ilang linggo o buwan ang sana’y pagharvest ng mga ito.
Pahayag ng isang fish grower, una-unahan lang umano ang pagharvest sapagkat hindi masabi kung kailan biglang bubuhos ang ulan habang umiiral ang tag-init.
Ayon naman kay Fishery Expert Dr. Westly Rosario tungkol sa banta ng fish kill, major reason umano ang init ng araw. Hindi na kinakaya ng mga isda ang init lalo na kapag mababaw ang tubig ng palaisdaan.
Sa panig naman ng mga fish inspector sa Magsaysay Market sa Dagupan City, mahigpit na minomonitor ang dumarating na mga bangus sa kabila ng pagdagsa ng mga trak na may lamang bangus.
Matatandaan na pinabulaanan din ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Office 1 na wala pang insidente ng fishkill sa Pangasinan sa kabila ng napapaulat na pagkamatay ng bangus sa ilang palaisdaan sa Western Pangasinan. |πππ’π£ππ¬π¨