Cauayan City – Tuwing panahon ng tag-init, sumasabay rin ang pagtaas ng kaso ng mga sunog malala man o hindi.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Deputy City Fire Marshall Benjamin Amistad, tuwing tag-init ay madalas na nakakapagtala ng grassfires o sunog dulot ng mga tuyong damo o mga dahon.
Aniya, madalas itong mangyari sa mga bukirin katulad ng maisan o palayan kung saan malimit na sinusunog ang mga naiwan na natuyong mga damo at pinagtabasang dahon ng mga pananim.
Ayon kay Amistad, sa ganitong mga pagkakataon ay kailangan munang sumangguni ng mga may-ari ng bukirin sa opisina ng BFP, sa kanilang Barangay o kaya sa iba pang kinauukulan bago tuluyang magsunog.
Sa ganitong mga lugar kasi ay mabilis kumalat ang sunog dahil bukod sa open area ay halos mga tuyong mga dahon lang ang naroon na siyang mabilis lamunin ng apoy.
Kailangan munang inspeksyonin ang lugar kung dito ba ay ligtas at walang madadamay na iba pang mga pananim o kabahayan kung sakali man na magsunog.
Kung papasa sa inspeksyon ay iisyuhan sila ng clearance na siyang magsisilbing pahintulot na maaaring magsunog ang mga ito.
Gayunpaman, hinihikayat pa rin ng BFP na hangga’t maaari ay iwasan ang pagsusunog lalo na ngayong panahon ng tag-init upang maiwasan ang anumang malalang insidente na maaring mangyari.