Inirereklamo ngayon ng ilang mga commuters sa lalawigan ng Pangasinan ang mga matitigas ang ulong naninigarilyo sa loob ng mga pampublikong sasakyan lalo ngayong dagsa ang mas maraming tao kasunod ng pagdiriwang ng holiday season.
Ayon sa mga pasaherong nakapanayam ng IFM News Team, parang wala raw pakiramdam ang mga smokers sa loob ng mga PUVs at kahit alam daw naman ng mga ito na apektado ang kapwa pasahero ay tuloy pa rin daw sa paninigarilyo at ang iba ay pag-vape ng mga ito.
Bagamat ang ilan ay tikom-bibig, at iba ay sinisita raw talaga ang mga pasaway na naninigarilyo lalo na kung ang smoker ay ang driver mismo ng pampasaherong sasakyan.
Dagdag pa ng mga ito na may tamang lugar at oras upang magvape o manigarilyo, at ang pagsasaalang-alang ng epekto nito partikular ang second and third hand smoke na mas delikado kumpara sa first-hand smoking.
Samantala, base sa R.A. 8749 bilang kilala rin sa tawag na Philippine Clean Air Act of 1999, ay isang polisiya at programa na may layong mapanatili ang malinis na hangin para sa mga Pilipino at mapababa ang masamang epekto ng air pollution sa bansa at sinumang mapatunayang lumabag sa nasabing kautusan ay mapapatawan ng parusa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨